November 4th, 2008

Yoyotski.multiply.com

Bago matapos ang taong ito




Naisipan ni Yhotski na gumawa ng account sa
www.multiply.com. Dahil nga sa masyado na syang napapraning sa photography at gusto nya rin yung may napaglalagyan sya ng mga kuha nya kung saan sya nagliliwaliw at nagpapakasaya. Mas mainam na siguro na doon na lang nya ilagay ang ilang mga kuha nya. Ayaw nya namang mag-burn na lang sa cd dahil kapag katagalan na ay ayaw na ring basahin ang cd dahil sa dami ng obido, at ayaw nya ring mag-save sa flash drive ng mga pictures. Nababanas lang sya. Dahil nung minsan na sinave nya sa kanyang anik-anik na flash drive ang mga kuha nya sa Pagsanjan Laguna nung minsan magawi sila doon kasama ang ilang kaibigan na Photographer para kuhanan ang Bangkero Festival, nabura na lang ng walang kalaban-laban ang mga sinave nyang kuha sa nasabing lugar. Basta ang sinabi na lang sa kanya ng computer nung mga oras na natataranta na sya kung paano nya mababawi “Corrupted Files”. At ang dahilan, navirusan ang kanyang flash drive. Kaya ngayon ay medyo may trauma na sya sa flash drive. Tsaka na lang sya magse-save sa flash drive, kapag naimbento na ang nasabing bagay na hindi tinatamaan ng virus.








P.S.


Si Yhotski ay kasalukuyang naggagala-gala sa kung saan-saang lugar dala ang kanyang mapagmahal na camera para sa assignment nilang Fresh at Portrait.





Posted by YHOTSKI at 03:22 AM | Ang hindi mapakale

October 8th, 2008

Hindi Yata






Maganda ang gising ko ngayong umagang ‘to, lahat ng pangyayare simula ng bumangon ako sa higaan e hindi ko ikinatuwa. Paano ba naman, pag gising ko kanina, muntik na kong malalaglag sa hagdan namin dahil nadulas yung kaliwang paa ko at kalahati pa yata ng katawan ko e wala pa sa wisyo. Napasigaw nga ako ng malakas ng “Tangnamo Saddam!!” Oo, seryoso yun talaga yung sinigaw ko. Sa sobrang lakas nga nung pagsigaw ko nun, ni isa sa mga kapatid ko e walang nakarinig. Ito ang mahirap sa’men kapag ihing-ihi ka na, kailangan mong bumaba pa para juminggle bell all the way dahil nasa baba pa yung banyo. Tapos, mga tanghali naman, paglabas ko ng bahay, lumusot sa tsinelas kong manipis yung tusok ng thumbtacks. Sa madaling sabi, nakaapak ako ng thumbtacks. Bwakangina ang sakit! Mukhang malas ata talaga ako ngayong araw na ‘to. Sa sobrang gigil ko nga sa thumbtacks, ng mabunot ko saya mula sa kailaliman ng aking tsinelas, inihagis ko sya ng pagkalayo-layo. Huli na ang lahat ng bigla kong maisip na baket hindi ko na lang nilunok ng sa ganon e wala ng ibang makaapak.




Tapos, nung nakaraang huwebes naman, sa hindi sinasadyang pagkakataon habang papunta ako sa istasyon ng LRT papasok ng trabaho, may nakasabay ako sa pila ng bilihan ng ticket na isang babaeng may tagos. Oo, wala na yatang mas aangkop pang salita dahil wala na kong ibang maisip. Yon lang kasi ang alam kong sinasabi dahil minsan e naririnig ko yon sa mga babae kong kapatid. Basta, yung babaeng di namalayang tumagos na pala yung dugong nagmumula doon sa kwan nya kapag may buwanang dalaw sya. Ganon. Mahaba ang pila nung mga oras na yon. Syempre nasa bandang unahan ko sya. Medyo napansin ko. Ang hindi ko lang magawa kaagad ay yung sabihin sa kanya, para bang naiipit ka sa isang sitwasyon na di mo alam kung tama ba yung gagawin mo o hindi. Baka kasi isipin nya pinandidilatan ko yung pwet nya e samantalang napansin ko lang naman talaga. Ano kaya kung di ko na lang sabihin. Pero gusto kong magmalasakit. Yun ang intensyon ko At bukod doon, di ko alam kung paano ko sasabihin. Alangan namang sabihin kong, “miss, nasaksak kayo!” parang ang sagwa naman. Ano kaya kung “miss, may dumi kayo sa bandang puwitan.” Pero masagwa naman, walang dating. Baka mapahiya pa ko pagkatapos nyang tingnan at sabihan pa kong, “Dumi ba yan? Your Sats A Loser..” O kung hindi man yon, baka maging insulto pa ang dating sa kanya. Pero minsan, naiisip ko lang, ano kaya ang pakiramdam ng isang babae sa tuwing makikitaan sila ng ibang tao sa ganong sitwasyon. Nakakabastos ba yon? Parang ang hirap naman maipakita ang ganong klaseng sitwasyon sa madla kung iisipin diba? Hindi kaya naiisip ng isang babae minsan na may tumatagos ng bakas ng karumaldumal sa kanilang bandang puwitan na kasuotan? Ewan! Kaya sa mga ilang segundong pag-iisip na yon, ang sinabi ko na lang sa kanya ay “Miss, may tagos kayo.” Wala ng mas aangkop pang salita at hindi na kailangang lapatan pa ng iba dahil yun lang ang naiisip ko. Nginitian nya ko pagkatapos kong sabihin yon. Sa itsura ng mukha nya ng sabihin ko sa kanya yon, Magkahalong pagpapasalamat at pagkahiya ang napansin ko sa mukha nya. Pero hindi na sya tumuloy sa pagsakay ng LRT. Nagmamadali syang bumaba habang tinatakpan ng bag ang bandang likuran ng kanyang puwitan. Sana lang talaga, di ko sya nainsulto.



Nung sabado naman, papauwi na ko nun galing sa Sm Manila, ng panay ang dapo sa’kin ng malaking bangaw. Doon nya pa ko sa abangan ng jeep pinuputakte. Sa may tapat ng pagkalaki-laking rebulto ni Bonifacio. Kung nakikita nga siguro ako ng bayani ng himagsikan, malamang pinagtatawanan nya ko. Nakakabwisit! Nakailang wasiwas ata ako ng kamay ko para lang mataboy sya. Panay ang dapo sa ulo kong kalbo. E ang ayaw ko pa naman sa lahat yung ganon, yung dinadapuan ako ng langaw. Para kasing may nakalalasong amoy ako nung taglay kapag ganon. Naligo naman ako bago umalis ng bahay, naghugas ng pwet, tiningnan ko rin yung ilalim ng tsinelas ko kung may naapakan ba kong pakalat-kalat na ebak sa daan na nagmumula sa puwitan ng aso. Pero wala naman. Naiisip ko tuloy, buhay pa ko nilalangaw na ko. Haha..



Kahapon nga pala ay may nakasakay ako sa jeep na bading na mukhang matindi ang pagnanasa saken nung gabing papauwi na ko galing trabaho. Paano ba naman, di naman kami siksikan sa jeep e panay ang ipit saken. Pinipilit akong makadikit. E halos nasasalat na ng siko nya yung tagiliran ko, feeling ko talaga tsinatsansingan ako. Kaya ang ginawa ko, tinapunan ko sya ng masamang tingin, ayun! Umurong ang bakla. Pero yung isang kasama nyang bading e kakaiba yung tingin sakin. Para bang tingin ng isang boldstar na nagyayaya sa kama. Nung isang beses na masuklian ko yung tingin nya, langya! kakaiba, halatang may pagnanasa.



Sa mga nag-eemail nga pala para lang magtanong kung baket mga ilang buwan din wala akong bagong post at di ko na narereplyan, ipagpaumanhin po, busy lang talaga. Medyo natawa lang ako doon sa isang nag-email saken, di ko na siguro babanggitin ang pangalan, tinatanong nya ko kung baket daw Yhotski ang codename ko. Ang bantot daw pakinggan at tunog bastos.



Baket kailangan pang punahin ang codename ko? Una, di yan codename, palayaw ko yan. At ano naman kung mabantot pakinggan at medyo tunog bastos? Wala na kong pakielam doon kung mabantot para sa iba at kung mahalay ang dating sa may kaberdehan ang utak. Wala naman siguro masama kung ganyan ang codename na napili ko diba? Kung si asero nga may codename e. hehe..



Tungkol naman sa mga magagandang balita, ako nga pala ay magsisimula ng mag-aral ng Basic Photography sa Federation of Philippine Photographers Federation o mas kilala sa tawag na FPPF itong darating na sabado. Kaya kung nagbabalak kang yayain akong lumabas sa sabado, pasensya na, hindi kita mapagbibigyan. Kinasasabikan ko yung araw na yon. Hehe..











Happy Birthday nga pala kay Utot!!






Posted by YHOTSKI at 02:50 AM | 3 Ang hindi mapakale

August 31st, 2008

Pansamantagal







Abala, tinatamad, medyo nagsasawa, at wala parati sa mood. Dumating si Yhotski sa puntong iyan kaya nagdesisyon syang magpahinga muna sa pagsusulat at sa pag-areglo ng letra sa harap ng computer para magkwento. Naisip nyang mas maraming nararapat na intindihin bukod sa pagsusulat. Wala syang writer’s block. Dahil una, hindi naman sya naniniwala doon. At pangalawa, hindi naman sya talaga writer. Kaya sa mga naghihintay ng blog entry nya, medyo matatagalan pa po.






Babalik sya, at muling yayakapin ang saya at pagmamahal sa pagsusulat.





Pwedeng sa isang buwan.




Sa makalawang buwan.





O siguro sa susunod na taon na.






Hanggang sa muli.







Posted by YHOTSKI at 01:06 AM | Ang hindi mapakale

July 20th, 2008

Clinically Dead For 16 Hours








Minsan naiisip ko, ano bang gusto kong palabasin at nagba-blog ako. Gusto ko bang malaman ng iba ang kadramahan ko. Gusto ko bang ipagmalaki sa mundo na, “Hoy! Kahit ganito lang si Yhotski, may talent sya sa pagsusulat!” Gusto ko bang magbahagi ng mga karanasan ko. O gusto ko lang magpasaya ng tao sa pamamagitan ng pagsusulat. Kanina, habang sakay ako ng LRT, sa ilang minutong pananahimik habang nag-aabang sa boses ng nagsasalita sa LRT na sasabihin nya ang istasyon na lagi kong binababaan, doon ko lang nadiskubre ang sagot sa mga tanong ko kung bakit ako nagba-blog. Ang sagot, wala sa mga nabanggit ko. Ang totoo nyan, gusto ko lang pala talagang mag-blog. Tapos. Ang labo ba? Oo, Malabo talaga, parang yung takbo ng utak ko ngayon. Ang hirap ng mag-isa.






Shit! Nagda-drama na naman ako.








"Clinically dead for sixteen hours
Show me all the things my heart desires
Let this be the longest happy dream of my life
Clinically dead for sixteen hours
Crossing all the roads where lines began
Break my hourglass and let the sands move in time"


-The Camerawalls, Clinically Dead For 16 Hours

(Sana talaga makabili na ko ng album nila.)










Posted by YHOTSKI at 01:52 AM | Ang hindi mapakale

June 29th, 2008

The King Of Nothing To Do

"Well baby, I don't want to take advice from fools
I'll just figure everything is cool
Until I hear it from you."

-Gin Blossoms, Til I Hear It From You







Topak ko na naman ang magbasa-basa ng libro. Sa ngayon, pinipilit kong tapusin ang libro ni Lualhati Bautista na Bata Bata Paano Ka Ginawa? Matagal ko ng binili to, ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na tutukan. Oo, sa laging nagtatanong saken kung sino ang iniidolo kong manunulat, walang iba kundi si Lualhati Bautista. Isa ako sa mga masusugid nyang tagahanga. Mula sa mga libro nyang pinaglipasan ko ng basahin gaya ng Gapo, Dekada ’70, Buwan Buwan Hulugan Mo Ako Ng Sundang, (Moon, Moon, Drop Me a Sword), At Bulaklak Sa City Jail. Lahat ng yan ay binasa ko sa sobrang paghanga ko sa nasabing manunulat. Pero wala akong intensyon na gayahin sya. Masaya na ko sa isang dahilan na may hinahangaan ako.




Meron pa kong isang binabasang libro. “The King Of Nothing To Do” ni Luis Joaquin M. Katigbak. Pero hulaan nyo kung saan ko binabasa. Dahil wala akong pera ngayon pambili, doon ko sya pinagtyatyagaan basahin sa National Bookstore Recto. San ka pa! Libre na, air-con pa! hehe.. May kalakihan ang libro kumpara sa mga libro ng sikat na author. Kung katulad kitang mahilig mangolekta ng libro, itong libro na to ang hindi mo siguro magugustuhan. Pero sa hindi ko malamang dahilan, e bigla ko syang nadampot at nakuwang buksan. Basa-basa-basa-basa-basa. Nakakailang pahina na ko ng madiskubre ko ang sarili na nag-eenjoy na sa nasabing libro. Shit! Kung alam lang ng may-ari ng Bookstore na ‘to na minomolestya ko na ang libro nila sa pamamagitan ng libreng pagbabasa, malamang ay ipahagis nila ko palabas sa gwardyang sinasahuran nila. Sa totoo lang, maganda ang libro. Kung mahilig kang magsulat ng kung ano-ano, kailangang mabasa mo 'to.



Hindi naman talaga akong nerdong tao. Yung tipong nagsusuot ng salamin na mataas ang grado dahil sa sobrang labo ng mata kakabasa? Kailan na lang ako pumatol sa pagbabasa ng mga seryosong libro gaya ng mga nobela. Nakakatawa nga kung iisipin, dahil tsaka pa ko nagkahilig sa libro kung kalian di na ‘ko nag-aaral. Nakasanayan ko na lang sa ngayon yung magbasa bago matulog. Dati kasi, ang mga binabasa ko lang e IKABUD, PUPUNG at Pugad Baboy. Deadma pa saken noon yung magagandang libro. Minsan nga, iniisip ko, isa siguro noon sa mga pinapanalangin ng nanay ko e yung humipo ako ng libro para magbasa. Hehe..



Nung Elementary naman ako, natatandaan ko, nagyayaya lang ako pumasok ng library kapag gusto kong maglaro ng ‘paramihan ng tao’ Oo! Paramihan ng tao. Ito yung laro sa libro kung saan maghahanap lang kayo ng naka-drawing na tao. Tapos, pitikan sa daliri kung ilan ang tao na lamang mo. Pwede rin paramihan ng hayop kung librong maraming naka-drawing na hayop naman ang nadamput nyo. At kung adik naman kayo ng kalaro mo, pwede nyo rin isama sa bilangan yung lahat ng capital Letters na makikita nyo sa libro. Hehe..




Kapag wala talaga akong pera pambili ng libro at sinisipag akong magbasa, nagiging bisyo ko na ang magbasa-basa sa mga tindahan nito. “Buraot” ang tawag ko sa ganitong gawain ko. Minsan, naghihiram naman ako sa mga kaibigan kong mahilig ring magbasa. Pero minsan, kapag nakakaluwag-luwag e bumibili rin ako. Sa Recto madalas kapag gusto kong makamura. Doon sa mga nagkalat na second hand. Pero meron pa akong isang sikretong binibilhan ng murang libro. Pero syempre, sikretong malupit ko na yon! Baka kasi malaman nyo pa, doon rin kayo bumili, Mahirap na!





Magkakaroon pa ako ng kakumpetensya! hehe






Posted by YHOTSKI at 03:21 AM | Ang hindi mapakale

June 20th, 2008

House Bill no. 4315

"I know you're the loneliest person i know
Just a flag in the wind that won't blow
Just a tear rolling down the window
You see that i know you're the loneliest person i know
Just a blade in the grass that won't grow
Just a hand holding on that lets go."

-Splender, The Loneliest Person I Know








...Bago magkalimutan, gusto ko munang batiin ang isa kong kaibigan na nagngangalang Ji-Ann, oh ayan ah, binanggit na kita dito ah?! Hehe..



Ok na nga pala ako tungkol doon sa pagkaka-suspende ko. Kasalukuyang pumapasok na uli ako sa trabaho. At maski papaano, may natutunan ako sa pagkakasuspende kong yon. Natutunan ko na kahit ano palang talino at sipag mo sa buhay, kapag mahirap ka lang at isang empleyado, luluhod at yuyuko ka sa may perang bobo. Yan yata ang isang katotohanan sa buhay na ito. Pero hindi laging ganito. Yang ang sa tingin ko.



Nang disgrasyang makapanood ako ng balita kanina na Umagang Kay Ganda, may binalita na kung maisasa-batas ang House Bill no. 4315 na naglalayon na maaring makulong ang sinuman na mahuhulihan ng kalaswaan na video o sa ibang salita na kahalayan na video sa cellphone ay maaring makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at may multa na hindi bababa sa limang daang libong piso ay medyo napaisip ako, hindi sa kadahilanang may itinatago akong malaswang video sa cellphone ko, (wala akong ganon sa cellphone at hindi kailangan.) Medyo napaisip lang ako na mukhang malabo ang ganyang batas. Hindi sa kinokontra ko ang House Bill no. 4315, may alangan lang kasi sa utak ko kung paano nila gagawin na tingnan ang lahat ng may cellphone kung may itinatagong sexual videos. Tipong haharangin nila ang lahat ng tao para tingnan ang cellphone? Paano naman ang privacy ng bawat may cellphone? Sa dami ng may cellphone sa buong mundo, malabong mangyare na magawa nila yon. At kung ako naman ang iimbestigahan nila, bakit ko naman patitingnan ng basta-basta sa kanila ang cellphone ko? Nakasisiguro ba ko na gusto lang nilang malaman kung may itinatago akong mahalay na video? Paano rin akong makakasiguro na hindi sila cellphone snatcher? Hehe. Kaya hindi ako masyadong sang-ayon sa nasabing batas na to. Kumbaga sa pakulo, malabo talaga ‘to mag-click. Parang kapareha lang ‘to ng pagsugpo sa hindi mapigil na pagsulpot na parang tigyawat sa mukha ng Metro Manila na mga piniratang VCD at DVD. At ayon pa sa balita, hindi lang daw ang mga naglalagay ng sexual video sa cellphone ang sakop ng nasabing batas, pati rin ang mga naging pastime na ang mag-upload ng malaswang video sa Internet. Kung pwede lang sana magdagdag na parusa, idadamay ko na rin yung ilang tao na mahilig mag-post ng mga bastos na sex scandal link sa mga forum site.



At sa wakas, napanood ko na rin yung nakakatawang Meet The Spartan. Matagal ko ng gustong mapanood yon eh, hindi ko lang maisingit dahil busy ako sa trabaho. At dahil nga sinuspende ako ng tatlong araw at isang linggo, nagkaroon ako ng pagkakataon na mapanood sya sa Dvd. Ang masasabi ko sa pelikula, walang kwenta! Hehe.. Puro kalokohan lang talaga. Sobrang laugh trip nga ko sa bahay nung pinapanood ko. At seryoso, sumakit yung panga ko katatawa.



Kaya kung hindi mo pa napapanood yung nasabi kong pelikula, panoorin muna, sobrang nakakatawa.




Sasakit talaga ang tawa mo sa kakatiyan. Hehe..




Posted by YHOTSKI at 03:37 AM | Ang hindi mapakale

June 15th, 2008

Suspension

"You've got to get yourself together
You've got stuck in a moment
And now you can't get out of it"

-U2, Stuck In A Moment











Una sa lahat, pasensya na kung may katagalan bago uli ako nakapag-blog, marami lang akong naging problema at inaasikaso. Isama mo na dyan ang pagkakasuspende ko sa trabaho ng mahigit dalawang linggo.


Oo, nasuspende ako sa trabaho ng mahigit dalawang linggo. Yan ang dahilan kaya lagi lang ako dito sa bahay, panood-nood ng Dvd, pakain-kain, at patulog-tulog.



Ang rason ng suspension ko?




Nagpakabayani ako at pinagtakpan ko ang isang katrabaho ko na naglalaro yata ng Dota o nag-iinternet sa oras ng trabaho. (Hindi ako sure kung anong ginagawa nya sa harap ng computer, bigla lang kasi akong lumapit sa kanya at kinalabit sya.)





Ganito kasi yun, mahigpit na ipinagbabawal sa trabaho namin ang mag-internet at mag-games kapag nasa oras ng trabaho. Hapon nun ng biglang dumating ang boss namin. Nagta-trabaho naman talaga ako nung mga oras na yon, pero yung isang kasama ko sa trabaho, e hindi. At bigla kong naisip na lapitan sya para ipaalam sa kanya na nandyan si boss. Mabilis ang pangyayare, hindi ko namalayan na sumunod pala saken si boss at nahuli pala ako na sinasabihan ko yung isang katrabaho ko para hindi nya mahuli.



E di kinasuap ako ni boss, bakit ko raw pinagtatakpan yung katrabaho ko. Bakit pa daw ako nagsisinungaling samantalang nahuli na naman nya ako. Sa kahuli-hulian, umamin rin naman ako na kaya ko lang naman nagawang magsinungaling e para pagtakpan yung katrabaho ko ng sa ganon e hindi maipahiya ng boss ko. Nagsorry ako nun kay boss sa nagawa kong pagsisinungaling. Alam kong mali yung ginawa ko. At kahit saan ko tingnang anggulo, mali talaga ako. Aminado naman ako doon. Mga ilang minuto lang, lumabas na ang memo sa naganap na pangyayare. At ayon nga, nalaman ko na suspended ako sa trabaho ng tatlong araw. Tinanggap ko naman ng buong puso ang suspension ko. Kailangan ko talagang pagbayaran ang nagawa kong yon na kasalanan sa isip-isip ko. Makalipas ang tatlong araw na binuno kong suspension.



Pagpasok ko sa trabaho. Ang akala ko e okey na ang lahat. Hindi na kasi napapag-usapan at yung ibang katrabaho kong babae e panay ang lambing saken. Namiss daw nila ko. May nagsabi pa na tumaba pa raw ako. Gusto ko sanang maniwala pero nung bigla kong maisip na madalas pa rin akong magsuot ng extra small na t-shirt, bigla kong naisip na binobola lang ako ng nagsabi sakeng katrabaho ko na tumaba daw ako.



Ang buong akala ko e tapos na. Pero mga bandang hapon, tumawag yung isang head namin sa trabaho na nagsasabing gumawa daw ako ng letter na patunay na nagsosorry ako sa ginawa kong pagtatakip sa ginawa ng katrabaho ko. Langya! Ako ang naiipit sa sitwasyon, nagsorry na ko lahat-lahat, ano pa ba ang gusto nilang mangyare? Luhod tuhod akong humarap sa kanila? So, gumawa ako ng letter. Hindi para magsorry lang, kundi para ipaalam sa kanila na pinagsisisihan ko yung nagawa ko. Nang mai-fax ang ginawa kong letter sa head office, may lumabas na namang memo na para sa akin na nagsasabing suspended na naman ako ng isang linggo. Langya! (ulit) sa isip-isip ko. Ano ba to lokohan? Hindi pa ba sapat yung tatlong araw na suspension na binuno ko at kailangan ko pang bumuno uli ng isang linggo na suspension? Nagsorry na ko kay boss nung kasalukuyang sinasabon nya ko ng sermon.. Nagsorry na ko sa letter na ginawa ko. Sinuspende na nila ko ng tatlong araw. Hindi pa ba sapat yon?




Hindi ba nila naiisip na ako ang nagdudusa sa ginawang kalokohan ng katrabaho ko na pinagtakpan ko lang naman. Na kung tutuusin, sya ang nagdudusa at hindi ako dahil sya ang may ginawang malaking kasalanan at hindi ako. Okey lang naman saken kung ako talaga ang gumawa ng kalokohan e. Kahit tanggalin nila ko sa trabaho, tatanggapin ko, kasi kasalanan ko. Pero ang hindi ko lang matanggap, bakit kailangang i-extend ang suspension ko ng isang linggo. Anong dahilan? Hindi pa ba sapat ang lahat?



Ang isa pang nakakapanghina ng loob, yung katrabaho ko na pinagtakpan ko, ni suspension hindi man lang nakatikim. sa makatuwid, ako lang talaga ang pinag-initan ng boss namin.



Hindi ako nagda-drama na parang isang anghel na nagpapagpag ng dumi sa pakpak nya. Hindi ko rin kailangan ng awa. Sinasabi ko lang ngayon ang hindi makataong suspension ko. Nakakaasar lang kasi parang hindi nila nakikita yung malasakit ko sa trabaho. Mahal ko ang trabaho ko. Kahit na mahaba ang oras, hindi ko na yon pinapansin dahil nag-eenjoy ako dito sa trabaho ako, dahil masaya ako dito, gusto ko yung ugali at nasasakyan ko yung mga katrabaho ko. Ang nakakapaghina lang talaga ng loob, bakit pa kailangang i-extend yung suspension ko ng isang linggo? Baket naman ganon? Hindi naman makatao. Ganon ba kagrabe ang nagawa kong kasalanan para i-extend yung suspension ko?



Kung siraulo akong empleyado, baka magtatalon pa ko sa tuwa dahil inextend nila ng isang linggo yung suspension ko. Biruin mo, isang linggo akong makakapaglaro ng basketball, isang linggo akong makakapanood ng Dvd sa bahay, isang linggo kong makakasama yung mga pamangkin kong makukulit, At isang linggo akong magpapa-petiks-petiks lang sa loob ng bahay. Baka nga ipa-extend ko pa yung suspension ko eh!



Pero hindi eh! Kung alam lang nila kung gaano ako nainsulto.




Ganun ba kabigat ang naging kasalanan ko para isuspende ako ng mahigit dalawang linggo?





Sana sa pagpasok ko uli sa trabaho, ganoon lang kadali kalimutan ang ginawa nila saken.







Sana, ganon lang kadali.















Posted by YHOTSKI at 01:08 PM | 1 Ang hindi mapakale

May 8th, 2008

Manunulat Nga Ba Sya?






Gigising sya ng alas-otso ng umaga. Didiretso sa lababo, maglalagay ng tubig sa baso at ipapakalikot sa dumadaloy na tubig ang natitirang panis na laway sa kanyang ngala-ngala. Pupunta ng kubeta, iihi pansamantala. Ang ilang minutong inilagi sa kubeta, mas magtatagal sa paglakad para bumili ng makakain sa umaga. Pagkalabas ng bahay, si Mang Oca ang unang makikita.



“Kuya Oca! paluto nga ng Lucky Me Pancit Canton, Chicken flavor ha!”



Pipiliting ngumiti ng may edad na tindero sa harap nya na mukhang hindi pa nagtatanggal ng tinga sa mata.


“Ang aga-aga mong mang-asar ha!”



Lakad papuntang labasan. Pero bago marating ang pandesalan, hihinto muna sa isang tindahan ng ulam.



“Meron po ba kayong Champoradong may paa ng manok?”



“Meron kung adik ka!” Sabay ngiti ng matandang tindera.



Hindi sya adik, kaya sa tingin nya walang tindang Champoradong may paa ng manok.



Kakaladkarin ang paa papunta sa tindahan ng tinapay. Pipiliting isaksak sa kukote na nagugutom na sya.



Pagkarating sa tinapayan, lilingunin ang ilang tao sa harap ng istante. Hahanapin ang isang taong gusto nyang laging nakakasabay bumili ng tinapay at nagpapaligaya sa kanyang buhay. Si Super Lolo.


Bigla nya tuloy namiss ang mga patutsada ni Super Lolo kapag bumibili ito ng tinapay o sigarilyo.



“Inday, magkano ang isang istik nyo ng Marlboro?”


Sasagot ngayon tong tinderang babae na tinawag nyang inday.


“1.50 isa!” sa mukhang hindi mo alam kung nainsulto o nagtitimpi lang ng galit.


Si Super Lolo naman ang babanat.


“Oh, itong sampung piso, bigyan mo ko ng anim na piraso. Ipili mo ko ng matataba ah?!”


Tawanan na sigurado lahat ng makakarinig sa kanyang mga banat.





"Wala sya." Bulong nya.



“Pandesal nga, sampung piraso, at saka tatlong pisong bilis”



Iaabot ang pera at mabilis namang kukunin ng tindera na may ternong padabog na paa.



“Dati ang gulay di ko tinitikman, palagi na lang iniiwasan..”


Kanta ng commercial sa kaharap nyang telebisyon.



“Walang kwentang commercial…”



Papatayin ang TV sa harapan nyang palaging kasabay sa pagkain sa umaga. Naiirita kasi sya sa kanta. Parang nang-iinsulto. Porke ata hindi sya mahilig kumain ng gulay. Atleast sa pagpatay nya ng TV, makakatipid pa sya ng konti sa makukunsumo na kuryente.



Buti sana kung ang tipo ng commercial e yung isang babaeng dating artista at ngayon ay isa ng politko ang makikita nya sa harap ng TV at nagsasabi ng



“Kung ganon lang kadali ang pag-asenso, marami na sigurong lumunok ng bato.”



O kung yung isang sikat na babaeng artista uli ang maririnig nyang nagsasabi ng



“Oo! Inaamin ko! Nagka-casino ako!!!”



O di kaya e yung isang lalake na mag-uumpisa pa lang kumain ng paborito nyang noodles at biglang naisipang mag-imagine na kunwari e siya yung sumasayaw habang nagsasabi ng “Tom-yum! Tom-yum!” na nung biglang mahimasmasan sa pag-iimagine e nagulat na lang sya ng biglang humaba ang kanyang kuko.




Kahit na wala naman talagang kwenta ang mga ganong klaseng commercial, ganon ang mga gusto nyang napapanood sa harap ng telebisyon. Kung papipiliin nga sya, mas pag-aaksayahan nya pa yon ng oras kaysa sa palabas na Dyesebel.


"MAGANDANG ALON!!"


Sa mga pagpuna nyang yon, doon magsisimula ang malikot na takbo ng isip nya.


Sa ilang beses na pag-angat at pagbaba sa tasa ng kape para lagukin, doon may nabubuo sa isip nya na kung ano-anong kwento. Minsan pagsinisipag sya, isasalin sa papel. Pero kadalasan, hinahayaan nya na lang na mabuo sa utak nya. Yun nga lang, pag may umistorbo sa kanya, o may gumambala na pangyayare. Halimbawa, tinatawag sya ng kaibigan nya para maglaro ng basketball o nagtext ang isang nilalang na importante sa buhay nya. Parang disgrasyang napindot ang “DELETE” button sa utak nya. Damay ang magandang kwentong naisip nya.



Hindi na ‘to kakaiba sa kanya. Sa ilang minuto na pagtunganga, tiyak may bago na naman syang mata-type sa harap ng computer pag-pasok nya. Sa hindi nya malamang dahilan kung baket nya to kayang gawin. Minsan, gusto nyang ipasok sa kakapiraso nyang kukote (kahit na wala naman sya talaga non.) na manunulat nga ata sya. Pero hindi. Kahit kaylan, hindi nya yon pinangarap. At ayaw nya naman maging linya. Siguro masasabi nya na marunong lang sya. Na mahusay syang gumamit ng imahinasyon. Bagay na puhunan ng isang manunulat.



Sana, makakuwa sya ng libreng oras para buuin to sa harap ng MS Word pagpasok nya sa trabaho.




Sana.



Sana.







Exited na tuloy syang pumasok sa trabaho.











Posted by YHOTSKI at 06:00 AM | Ang hindi mapakale

April 26th, 2008

Birthday Wish

"Nakakaawa ka naman
Pagsapit ng kaarawan
Nakaupo sa may hapag kainan
Tinulugan ka pa ng magulang"


-Itchyworms, Happy Birthday








Pangkaraniwang araw lang sa akin ang April 25 kahit pa iyon ang araw ng aking kapanganakan. Palibhasa’y ugali ko naman ang hindi mag-handa kapag sumasapit ang aking kaarawan ( pero nagpapa-inom ako, pag may pera.) kaya hindi sa ganong paraan ko sinecelebrate ang aking kaarawan.




Kwento ko lang.




Natatandaan ko noong araw, kapag naiimbitahan ako sa mga birthday nung bata pa ako, madalas na ang inereregalo ko lang ay Pretzel Chocolate. Oo, yung pretzel na nasa karton. Bukod kasi sa mura na, madali pa kasing balutin ng gift wrap. (napaghahalata ang pagiging kuripot, hahaha..) Naging bisyo ko na noon ang gawing regalo yon. Kahit sa mga exchange gift sa eskwelahan kapag Christmas Party. Kahit ang napapag-usapan halimbawa ay worth 100 pesos ang regalo, ang gagawin ko, worth 100 pesos na pretzel, pero minsan, hindi worth 100 pesos yon, mga halagang 80 pesos lang. syempre, isasama ko pa sa bilang yung pinambili ko ng gift wrap at saka yung ginamit kong iskatstape. Hehe.. Medyo hindi pa naman ako ganon kakuripot, dahil kung iniisip nyo yon saken, may mas kilala pa kong tao na talagang hukluban ang pagiging kuripot pagdating sa mga ireregalo. Sya ang kaklase ko nung elementary ni si Robert. Wala na yatang tatalo sa kanya sa pakuriputan. Wala naman syang lahing intsik pero matindi talaga. Iba naman ang isitilo nya, sya e puro candy at paper doll lang na ilalagay sa karton ng katol. Tapos babalutin. Yon! May instant regalo na sya sa maliit na halaga. Pero dati ko lang naging ugali yon. Hindi na ngayon.





April 25 kahapon. Birthday ko. Imbis na pumetiks-petiks sa loob ng bahay, mas pinili ko na lang na pumasok sa trabaho dahil wala naman akong pera pangpa-inom at pang-pakain sa mga kaibigan. Naubos ang pera ko sa kakagastos nung pumunta kaming Banaue, Pagsanjan at Baguio. Nakasanayan ko na ang dumiretso sa simbahan sa tuwing sasapit ang aking kaarawan. (bagay na hindi ko naman ginagawa tuwing biyernes o linggo gaya ng ibang tao. O miyerkules kung araw ng baclaran. Habang naglalakad papasok ng simbahan, tahimik akong nananalangin at nagpapasalamat sa Diyos sa pagdugtong nya sa aking buhay. Inaamin ko na hindi ako relihiyosong tao. Sa ilang birthday na dumating sa buhay ko, ngayon lang ako nanalangin sa Diyos ng hindi materyal na bagay ang hinihingi ko. Dati kasi, madalas, materyal na bagay. Wala lang, Tipong birthday wish ba?!. Pero bukod sa mga materyal na bagay, may mga personal din akong mga kahilingan nun. Para naman kasi saken, hindi ka naman dapat manalangin sa Diyos para lang humingi ng kahilingan. Sa parehong dahilan na hindi ko rin naman kailangang pumasok ng simbahan linggo-linggo katulad ng ginagawa ng ibang tao.





Pero naniniwala akong magkakatotoo yung panalangin ko.













Nga pala, maraming salamat sa mga taong nakaalala.







Posted by YHOTSKI at 07:13 AM | Ang hindi mapakale
« Newer | »